top of page

Himig ng Pagsinta: Isang Dilag at Tatlong Musikero ng Baliwag

paggunita sa isang mayuming dilag

pagbibigay pugay sa mga alagad ng sining

pagtatanghal ng dalumat sa bagong saliksik

Ang kasaysayan ay hindi lamang naikakahon sa mga pangyayari sa nakalipas. Ito ay isang pag-aaral: tumutuklas sa mga bagong tala, sumusuri sa mga kaalaman, nagbibigay ng panibagong dalumat, at itinutuwid ang maling salaysay. Ang Jocelynang Baliwag ay dinanas ang paglalakbay na ito (at patuloy na maglalakbay upang hanapin ang kasagutan sa iba pang katanungan). Naging tanyag ang Jocelynang Baliwag bilang “Kundiman ng Himagsikan” dahil sa pag-aaral na isinagawa ni Antonio Molina. Lumipas ang maraming taon at ang kanyang mga akda tungkol sa Jocelynang Baliwag ay patuloy na niyakap ng iba pang mga historyador at mga alagad ng sining sa musika. Naging paulit-ulit lamang ang pagtingin sa piyesa at binabalikan lamang ang mga naunang pahayag ni Molina. Ngunit sa pagkakataong ito ay may nangahas na hanapin ang primaryang batis at bigyan ito ng bagong pagsusuri. Ito ang siyang nagbigay-daan sa mga bagong dalumat na makapagbibigay ng panibagong pagbasa.

Ang eksibisyong ito ay hango sa inilathala ng mananaliksik na si Ian Christopher Alfonso sa Jocelynang Baliwag. Binigyan nya ng kulay ang buhay ni Maria Josefa Tionsgon y Lara, mas kilala bilang Pepita, at itinampok ang malawak na ugnayan ng dilag sa mga titik ng Jocelynang Baliwag pati na rin sa tatlo pang piyesa na kasama nito, ang Liwayway, Pepita, at El Anillo de la Dalaga de Marmol. Kasabay ng paggunita sa ika-49 na taon ng kamamatayan niya ang pagtatampok sa kanya at sa pag-ibig na minsang inialay ni Isabelo de los Reyes sa dalaga ng Baliwag.

Bukod pa rito ay tahasan nang naihayag ang kompositor ng Jocelynang Baliwag at Liwayway sa katauhan ni Lucino Buenaventura, isa sa mga haligi ng musika sa Baliwag. Ang dalawa pang maestro sa musika na sina Joaquin Chico at Domingo Enrile ay naging bahagi rin sa pagsuyo kay Pepita sa pamamagitan ng kanilang komposisyon. Ang mga likha nila Buenaventura, Chico at Enrile ay mahalagang ambag sa musika at kultura ng Baliwag kaya naman marapat lang na bigyan sila ng pagkilala. Hangad ng munting eksibisyong ito na maipakilala sila sa mga Baliwagenyo.

(Oktubre 26 - Nobyembre 16, 2017)

© 2023 by Museo ng Baliwag

bottom of page