top of page

Opisyal na Pananda ng Lumang Munisipyo bilang isang Mahalagang Yamang Pangkalinangan

Idineklara ng Pambansang Museo ang Lumang Munisipyo ng Baliwag bilang isang Mahalagang Yamang Pangkalinangan (Important Cultural Property) noong Agosto 28, 2015. Napili ang istruktura dahil sa natatangi nitong kahalagahan sa pamanang pangkalinangan hindi lamang para sa bayan ng Baliwag kundi pati na rin sa sambayanang Pilipino.

Nitong Setyembre 11, 2017 sa ganap na ika-9 ng umaga ay nagkaroon ng programa para sa paghahawi ng tabing ng opisyal na pananda mula sa Pambansang Museo na nagsasaad sa Lumang Munispyo bilang isang Mahalagang Yamang Pangkalinangan. Katuwang ang Pambansang Museo, ang programa at pagtitipon ay isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa pangunguna ng Pambayang Aklatan, Pambayang Museo ng Baliwag, at Opisina ng Turismo. Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay pugay sa watawat na sinabayan ng pagtugtog ng Lupang Hinirang ng BTECH Band sa pamumuno ni G. Eric Buenaventura. Kasunod nito ay ang pasasalamat at alay na panalangin ni G. Heherson Cruz. Nagbigay ng kanyang bating pagtanggap at maigsing kwento ng kasaysayan ng Lumang Munisipyo si Konsehal Joel Pascual na siyang Tagapangulo ng Komite sa Turismo. Ang Direktor ng Cultural Properties Regulation Division na si G. Anghel P. Bautista na siyang kinatawan ng Pambansang Museo ay nagbahagi ng ilang tala at impormasyon tungkol sa Mahalagang Yamang Pangkalinangan at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Pambansang Museo na siyang naggagawad ng ganitong pagkilala. Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga pamana at mga posibleng maitulong ng ahensya. Bilang intermisyon sa programa ay naghandog si Bb. Ronalyn Parulan ng awiting kundiman, ang Jocelynang Baliwag. Nagbigay naman ang Pangalawang Punong Lalawigan na si Igg. Daniel Fernando ng mensahe bilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan. Pinapurihan niya ang masigasig na proyekto ng bayan ng Baliwag na nagpapahalaga sa lokal na kasaysayan at kultura. Nagpasalamat si Punong Bayan Ferdie V. Estrella sa mga panauhin at sa suporta na ibinibigay ng Pambansang Museo. Iniulat niya na nagbigay ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority ng pondo upang maituloy ang komprehensibong restorasyon ng Lumang Munispyo. Inilahad din niya ang iba pang plano ng Pamahalaang Bayan upang mas palawigin ang mga programa sa kasaysayan, kultura, at sining. Isa na nga rito ay ang pagbubukas ng isang Pambayang Museo pagkatapos ng restorasyon ng Lumang Munisipyo. Pormal na hinawi ang tabing ng pananda nila Mayor Ferdie V. Estrella, Igg. Daniel Fernando, Bb. Luningning Dantes na siyang kinatawan ni Bokal Lourdes Posadas, mga kinatawan ng Pambansang Museo sa pangunguna nina Direktor Anghel Bautista at Bb. Raquel Flores, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Baliwag. Isang simpleng meryenda sa ikalawang palapag ng Lumang Munisipyo ang pinagsaluhan ng mga panauhin pagkatapos ng programa.

Ang paglalagay ng opisyal na pananda sa Lumang Munisipyo bilang isang Mahalagang Yamang Pangkalinangan ay siyang hudyat para sa mas marami pang programa na nakalaan sa pagpapasigla ng kultura at tradisyon ng ating bayan. Inaasahan na ito ang simula ng restorasyon at pagtatatag ng museo. Layunin ng mga proyektong ito na ilapit sa mga Baliwagenyo ang lokal na kasaysayan at kultura upang magkaroon ng interes at kusang ingatan ang yaman ng ating bayan.

© 2023 by Museo ng Baliwag

bottom of page