Binuksan ang isang eksibisyon tungkol sa Lumang Munisipyo noong Setyembre 21, 2017 sa Pambayang Museo ng Baliwag. Pinamagatang Pagpapatuloy ng Pamana: Lumang Munisipyo @ 102, ang eksibisyon ay kontribusyon ni Pedrito Cabingao (Batang Baliwag) katuwang ang tagapamahala ng museo Jesusa Garcia Villanueva para sa paggunita sa ika-102 anibersaryo ng pagkakabili ng Pamahalaang Bayan ng Baliwag sa bahay ng mga Gonzalez upang maging bahay pamahalaan. Naging panauhing pandangal sina Punong Bayan Ferdie V. Estrella, Konsehal Joel Pascual, at Konsehal Dingdong Nicolas. Kasama rin sa pagbubukas ng eksibit sina G. Peter John Natividad, Kalihim ng Pambansang Komite ng mga Museo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, G. Kier Franco, kawani ng Technical Assistance Program ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, at Opisyal ng Turismo ng Baliwag Jose Rizaldy Tomacruz. Dumalo rin ang mga kasapi ng PASAKABA upang makilahok sa pagbubukas ng eksibisyon.
Ang eksibisyon ay nagbibigay ng pagsilip sa maliit na bahagi ng kasaysayan ng Lumang Munisipyo. Sa pamamagitan ng mga larawan, dokumento, likhang sining, at memorabilya ay isinasalaysay nito ang mga butil ng mahahalagang pangyayari at pagbabago sa Lumang Munisipyo simula ng ito ay maging bahay pamahalaan hanggang sa kasalukuyan nitong kalagayan.
Maaaring bisitahin ang eksibisyon hanggang Oktubre 20, 2017. Bukas ang museo Lunes hanggang Biyernes, ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon.