Isang daan at sampung taon na ang nakalipas mula ng unang maging bahay pamahalaan ang dating tahanan ng mga Gonzalez, isang daan at dalawang taon na itong pagmamay-ari ng pamahalaang bayan, at apatnapu’t anim na taon naman itong nagsisilbing pambayang aklatan at museo. Kilala sa katawagan na Lumang Munisipyo, ang istruktura ay nakatindig malapit sa sentro ng bayan at tumatayong kanlungan ng kasaysayan at kalinangan ng Baliwag. Katumbas ng mga bilang ng nagdaang taon ay ang pagkakalikom ng maraming alaala sa bawat sulok ng gusaling ito. Pinagsaluhan ng mga nakaraang pinuno, kawani, at taumbayan ang iba’t ibang karanasang kanilang hinabi, dinanas, at pinahalagahan sa loob at labas ng espasyo. Ang eksibisyon ay nagbibigay ng pagsilip sa maliit na bahagi ng kasaysayan ng Lumang Munisipyo sa pamamagitan ng mga larawan, dokumento, likhang sining at memorabilya. Sa paraang ito ay ninanais na isalaysay ang mga butil ng mahalagang pangyayari at pagbabago sa lugar simula ng ito ay maging
bahay pamahalaan hanggang sa kasalukuyan nitong kalagayan.
(Setyembre 21 - Oktubre 20, 2017)