KILALANIN NATIN SI SUSIE VILLANUEVA AY ANG BAGONG DESIGNATED MUSEUM CURATOR NG PAMAHALAANG BAYAN NG BALIWAG. SIYA ANG KAUNA-UNAHAN NA MABIGYAN NG GANITONG TRABAHO HUDYAT NA SERYOSO NA TALAGA ANG PAMAHALAANG BAYAN NG BALIWAG NA MAGKAROON NG ISANG MAAAYOS NA KABAN NG HIYAS NG MGA PAMANA NG BALIWAGENYO.
Siya ay nagtapos ng Art Studies at kasaluykuyang tinatapos ang Masters in Musuem Studies sa UP Diliman.

1. Ano ang nararamdaman mo na ikaw ang unang Museum Curator ng Baliwag?
Masaya dahil nabigyan ako ng pagkakataon na maibahagi ang aking kaalaman sa pamamahala ng isang museo. Nakakataba rin ng puso ang tiwala na ibinigay sa akin at itinuturing kong isang hamon ang bagong responsibilidad na ito.
2. Bago daw sa Baliwag Museum ay sa Vargas Museum ka nagtatrabaho?
Oo, siyam na taon akong nagtrabaho sa Vargas Museum ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, una bilang Museum Assistant, at pagkatapos ay bilang Museum Researcher. Naging katuwang ako ng mga nagdaang curator nito sa pagbuo ng iba’t ibang programa para sa pangunahing museo ng nasabing pamantasan.
3. Ano ang course mo?
Nagtapos ako ng kursong BA Art Studies: Interdisciplinary na nakatuon sa disiplina ng sining biswal, arkitektura, at sikolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Sa kasalukuyan ay tinatapos ko naman ang aking masteral degree sa Museum Studies sa parehong unibersidad.
4. Ano ang pangarap ni Mayor Ferdie sa Museum?
Naniniwala si Mayor Ferdie Estrella sa kahalagahan ng kasaysayan at kultura sa pag-unlad ng bayan kaya naman kabilang sa mga programa niya ang pagpapahalaga sa ating lokal na kasaysayan at pangangalaga sa ating kultura. Ang Museo ay magsisilbing isa sa mga pasilidad na siyang magbibigay ng katuparan sa adhikaing ito. Nais ni Mayor Ferdie na ang Museo ay muling maitatag at maging organisado upang makayang makipagsabayan o higitan pa ang ibang museo sa rehiyon.
5. Na-expect mo ba na ganoon din ka-engage si Mayor Ferdie sa Museum?
Oo. Nakita ko kay Mayor ang pagnanais na maiangat ang antas ng kamalayan sa kasaysayan, sining, at kultura ng Baliwag kaya naman talagang todo suporta siya sa restorasyon ng Lumang Munisipyo na siyang magiging tahanan ng bagong Museo ng Baliwag. Masigasig din siya sa mga paghahandang kailangan upang muling maitayo ang museo.
6. Malapit na raw isara ang Lumang Munisipyo?
Tulad ng una nang nabanggit, ang Lumang Munisipyo ang magiging permanenteng espasyo para sa bagong Museo. Ilang beses na ring nagkaroon ng proyektong restorasyon para sa istruktura noong mga nakaraang administrasyon ngunit laging bitin o kulang. Kaya naman ngayon ay minarapat na pansamantalang isara muna ang Lumang Munispyo upang magkaroon ng kumpleto at mas komprehensibong restorasyon kung saan ang bawat sulok ng gusali ay mabusising aayusin at isasauli sa dati nitong sigla.
7. Ano ba ang dapat naming asahan sa bagong museo?
Ang bagong Museo ng Baliwag ay magkakaroon ng iba’t ibang programa na naaayon sa pamantayan ng mga pangunahing museo sa loob at labas ng bansa. Ilan lamang sa mga ito ay mga programang pang-edukasyon, eksibisyon, at pangangasiwa ng koleksyon. Nilalayon din ng museo na magkaroon ng paglahok ang komunidad upang mas mailapit ang kasaysayan at kultura sa ordinaryong mamamayan. Ang museo rin ay magiging ekstensyon ng mga paaralan sa bayan ng Baliwag para sa mga leksyon tungkol sa lokal na kasaysan at kultura. Inaasahang ito ay magiging sentro ng paglilinang, pagpapayabong, at pangangalaga sa tradisyon at pamana ng Baliwag.
8. Ang pamilya ng iyong asawa ay nasa linya ng visual arts?
Ang pamilya ng aking asawa na taal na taga-Baliwag ay nasa linya ng visual arts. Ang aking asawa, si Mark Villanueva, ay isang alagad ng sining biswal o visual artist na nagtapos ng kursong Fine Arts major in Painting sa Far Eastern University. Ang kanyang hilig at talento sa pagpipinta ay namana niya sa kanyang ama na si Reynato “Tats” Villanueva. Nagtapos naman ang nakatatandang Villanueva sa University of Sto. Tomas kung saan ilan sa kanyang mga naging guro ay sina Victorio Edades at Carlos “Botong” Francisco at ang kanyang mga ka-kontemporaryo at naging kaibigan ay sina Cesar Buenaventura at Miguel Galvez. Ang mag-ama ay parehong nakomisyon na gumawa ng likha para sa mga simbahan sa Bulakan— si Tats ang may gawa ng mga painting na makikita sa kisame ng simbahan ng San Agustin sa Baliwag samantalang si Mark naman ang sa St. James sa Plaridel at ang Stations of the Cross sa St. Peter of Alcantara sa Bocaue.
9. Mayroon ba kayong plano na ikonsulta ang arts and culture council?
Isa sa mga unang hakbang na aking planong gawin ay ang pagkonsulta sa mga organisasyon, institusyon, paaralan, at iba pang maituturing na pangunahing stakeholder sa komunidad kabilang na rito ang arts and culture council upang masipat ang kanilang mga saloobin at pangangailangan. Sa pamamagitan nito ay inaasahang mas magiging epektibo ang mga ilalatag na programa ng museo para sa publiko.
10. Ang battle cry ni Mayor Ferdie ay Dugong Baliwag, Pusong Baliwag, paano ka makaka-contribute dito?
Bilang curator ng Museo ng Baliwag, katulad ni Mayor Ferdie, ang aking programa ay nakatuon din sa kasaysayan, sining, at kultura at sa pagpapalawig nito nang mamulat ang mga miyembro ng komunidad sa kahalagahan nito. Ito ay maaaring maging daan upang magkaroon ng mas maigting na pagmamahal sa sariling bayan at makabuo ng kolektibong identidad ang mga Baliwagenyo na siyang magagamit sa pag-unlad. Ang mga programa ng museo sa kabuuan ay naaayon sa serbisyong may malasakit na isinusulong ni Mayor Ferdie.
---